Samu’t saring balita ang mga naganap at nangyari sa ating bansa nitong nakalipas na dalawang linggo. Mula sa pagpapatupad at pagpapaigting ng batas sa paninigarilyo, sa mga anomalya sa PCSO, PNP at PAGCOR, hanggang sa pagtanggal ng mga “sexy billboards” sa EDSA na hinihinalang magiging dahilan ng sakuna o disgrasya sa lansangan.
Kung ating susuriin at pakaiisipin, malawakan ang nagaganap na disgrasya at sakuna sa ating mga lansangan. Hindi lilipas ang linggo na walang bus na sumalpok sa gutter o nahulog sa bangin na kinasawi ng maraming inosenteng tao. Mga motorista na bumangga sa mga sasakyan dahil sa kalasingan o sumalpok sa kasunod na jeep dahil inaantok. Napakaraming dahilan na kung ating iisa-isahin ay nakakatanga na at nakakasawa. Napagdiskitahan ang mga bagay na hindi naman totoong dahilan ng mga sakuna bagkus ay ang taong ito ay may inggit sa katawan dahil hindi siya naging modelo o maaaring siya ay may “dugong berde” at tipo niya ang mga barakong akala mo ay mga Adonis sa ka-machohan.
Bakit hindi natin idamay ang mga naglalakihang posters ng mga pulitiko na binabandera ang mga proyektong kanilang ginawa na kung ating iisipin ay tayo rin ang nagpagawa sapagkat ang perang ito ang buwis na kinaltas sa ating mga sahod na nakakasuklam na kinukurakot pa ng mga “buwayang pulitiko” at binubulsa ang ibang pera na dapat ay tinulong na rin kasama ng proyekto.
Sa aming lugar sa Tondo, makikita mo ang mga naglalakihang posters ng mga pulitiko na nakahambalang sa kalsada at minsan nakakabit sa mga kawad ng kuryente o minsan sa mismong poste na maaring maging sanhi ng sunog o sumabit sa mga sasakyan na maaaring ikapahamak ng mga tao.
Sana maging sensitibo tayo sa lahat ng bagay na hindi lamang kung ano ang nakikita natin ang dapat pansinin, may pandinig, pang-amoy, panlasa at pandama pa tayo na maaaring gamitin at magiging instrumento hindi lamang sa pagtuklas ng kaalaman na makakatulong sa pag-unlad ng bansa, bagkus ito ay kasangkapan natin sa pagsugpo ng kasamaan tulad ng kuropsyon, kriminalidad at droga na siyang nagiging dahilan ng pagkasira ng mga buhay lalo na ng mga kabataan na ating pag-asa sa kaunlaran at kapayapaan.
No comments:
Post a Comment