Tuesday, August 16, 2011

bawal magsalita ng tagalog sa skul ng mga filipino whahhhhh

Naaalala ko pa noong nasa elementarya pa ako, mahigpit na ipinagbabawal sa klase namin na magsalita sa wikang Tagalog sa ibang mga subjects namin. Kapag nahuli ka o narinig ng mga sipsip sa teachers na officers ng klase na nagsalita ng Tagalog ay siguradong papapel ang mga ito at isusumbong ka sa teacher. Naaalala ko rin na isinusulat pa sa black board kung ilang salitang Tagalog ang nabanggit mo, at kung ilan ang matala ay siya ring ibabawas sa score mo sa mga magiging pagsusulit. Ganyan ang nagiging parusa noon sa aming klase kapag nagsasalita ng Tagalog sa mga subjects na English lamang ang dapat na ginagamit.
Pero tila talagang pera-pera na ang takbo ng ating buhay ngayon at pati ang pagsasalita ng sariling nating wika ay pinagkakaperahan na rin. Mayroong ibang paaralan ngayon ang nagpapamulta sa mga estudyanteng nagsasalita sa wikang Tagalog sa halip na Ingles. Ang masaklap pa dito ay nagaganap ito sa mga pampublikong paaralan pa na alam naman natin na karamihan ng mga estudyante ay kapus-palad. Sa halip na magamit ng mga estudyante ang pera upang ipandagdag sa pambili ng pagkain ay napupunta pa sa pagmumulta dahil nakapagsalita sila ng Tagalog.
Nakakalungkot lamang isipin na pati ang paggamit ng sariling wika ay kailangan pang ipagmulta. Oo nga at hangarin ng mga guro na matuto ang mga estudyante na magsalita sa wikang Ingles dahil napakahalaga nga naman na matutunan ito lalo na sa ganitong panahon, pero maaari namang limitahan ang pagsasalita ng mga estudyante ng Tagalog sa tamang paraan. Kung magsalita man sila sa wikang Tagalog sa mga subjects na Ingles ang dapat na gamitin ay mayroon naman sigurong ibang paraan para maparusahan sila hindi yung pagbabayarin pa ang mga bata. Mga guro po kayo kaya alam naman siguro ninyo kung paano ang mabisang paraan para hindi na umulit pa ang mga estudyante sa pagsasalita ng Tagalog.
Nabalitaan ko na pinaiimbestigahan na ngayon ng isang kongresista ang pinapairal sa ilang paaralan na pagmumulta sa sinumang estudyante na nagsasalita ng Tagalog. Inihain na rin ang House Bill No.1567 na layuning maituwid ang maling pamamaraan ng mga guro na magturo ng Ingles. Si Kabataan Partylist Rep. Raymond Palatino ang may akda nito. Sinabi ng mambabatas na dapat maimbestigahan sa Kamara ang pagpapataw ng multa sa bawat estudyanteng nagsasalita ng Tagalog sa halip na Ingles.
Ngayong buwan ng Agosto ay ipinagdiriwang natin ang “Buwan ng Wika”, kasabay sana nito ay ipatupad rin natin ang pagmamahal sa sarili nating wika at hindi tila ipinagbabawal pa na gamitin ito. Maraming paraan upang matuto ang mga estudyante na magsalita sa wikang Ingles at hindi ang pagbabawal na magsalita sa wikang Tagalog ang isa sa mga ito. Isa pa ay hindi magandang halimbawa na mismong ang mga guro pa ang nagpapatupad ng ganitong gawain.
Tayo ay mga Pilipino at nararapat lamang na mahalin natin ang sarili nating wika.

No comments:

Post a Comment